At sa unang pagkakataon sa aking buhay, alam kong tama ang desisyong pinili ko; alam kong tama ang landas na tinatahak ko. (Cañaveral, 2014)

Apat na taon na ang nakalilipas simula nang unang beses akong tumapak sa Unibersidad – hindi bilang freshie, kung isang transferee na nag-aasam na makapasok ng UP. Sariwa pa sa aking alaala ang bawat detalye ng sandaling iyon – ang paggising ko nang maaga upang hindi maipit ng traffic sa EDSA ngunit kahit alas siyete y media pa lamang ay halos wala na ring maupuan sa bus pa-Philcoa; ang pagsuot ko ng itim kong lucky shirt na ginagamit ko sa tuwing unang araw ng klase sa bawat semestre; ang empty batt kong telepono na naghadlang sa akin na makatawag sa mga kapatid ko upang tanungin kung saan-saan ako pupunta, at marami pang iba. Ang pinakahindi ko makakalimutan at hanggang ngayon ay tinatawanan ko pa rin ay yaong nakatatlong ikot na ng UP ang jeep na aking sinasakyan, ngunit hindi pa rin ako bumababa. Noon ko lamang nalaman na ang Ikot pala ay hindi dumadaan ng OUR.