Sa ating panauhing pandangal, Atty. Chel Diokno, sa dating dekana ng ating kolehiyo, Atty. Vyva Aguirre, sa ating dekana, Kathleen Lourdes B. Obille, sa mga propesor at mga "staff"ng SLIS, sa mga magulang, kapamilya, kaibigan, bisita, at syempre sa mga naggagandahan at naggagwapuhang kapwa ko magsisipagtapos, isang mapagpalang hapon sa inyong lahat!
Sa wakas, eto na ang pinakaaasam nating pagsablay! Aanihin na natin ang bunga ng ilang taong pagpapagal - ang walang kasintamis na tagumpay!
Subalit bago tayo makarating sa sandaling ito, alam kong naging masalimuot ang ating paglalakbay. Maraming pagsubok ang kinailangang lagpasan, maraming balakid ang pilit inalpasan.
Ngunit sa dinami-rami ng hamong napagtagumpayan, sa tingin ko sa dalawang ito tayo pinakanahirapan.
Una, sa walang katapusang pagdududa sa ating sarili at angking kakayanan.
Classic na kwentong maririnig dito sa Unibersidad yung nung elem at high school honor student tapos biglang pagdating mo sa UP, wala average ka lang pala minsan nga pakiramdam mo mas mababa pa.
Bago pa man ako pumasok sa UP, narinig ko na ang mga kwento kung gano kahuhusay ang mga nag-aaral dito, subalit hindi ko yata ganong inintindi dahil grumadweyt naman ako sa high school ng may mataas na karangalan. Maere na wala pa sa UP, ayan tuloy nasampolan. Namumulang singko lang naman ang markang nakuha ko sa aking unang pagsusulit sa Unibersidad, at hindi ko talaga matanggap kasi sa paboritong subject ko pa nung high school, sa Kasaysayan. Doon ako sinampal ng katotohanang, hindi ako espesyal, hindi ako ganun kagaling. Naitanong ko pa nga nun kung para ba talaga ako sa Unibersidad na ito o nakatsamba lang talaga ako sa UPCAT. Marahil, iniisip ng iba sa inyo ngayon na, “ang babaw naman ng taong to, bumagsak lang sa isang pagsusulit, kung makapagdrama akala mo yun na yung magpapakahulugan sa pagkatao niya.” Pero hindi ito simpleng bagay para sa akin, dahil noon pakiramdam ko sa pag-aaral lang ako magaling. Ihalintulad niyo na lamang dito ang mga bagay kung saan kayo mahusay - maaring sa pagsusulat, sa pagpinta, o di kaya'y sa pag-awit o pagsayaw - sigurado ako dumating na rin kayo sa puntong walang ideyang lumalabas upang maisulat o maipinta; gayundin ang mga pagkakataong nahihirapan kayong abutin ang isang nota, o di kaya'y di niyo magawang isabay ang galaw ng katawan sa saliw ng musika. Tapos aalingawngaw sa isip mo ang mga salitang, "akala ko ba magaling ka, bat yan lang di mo pa magawa."
Sa buong pamamalagi natin sa Unibersidad, hindi na siguro natin mabilang kung ilang beses nating pinagdudahan ang ating sarili at angking kakayanan.
Maaring dahil sa mga rekisito gaya ng mga papel, mga pagsusulit, o di kaya ang ating mga manuskrito. Di maikakaila na dumating ang mga pagkakataong naitanong sa sarili kung "Kakayanin ba?" "Aabot ba?" "Gagraduate ba?"
Isa pang rason ay ang di maiwasang pagkukumpara ng sarili sa iba. "Bakit siya ganon, tapos ako ganto lang" "Buti pa yung mga kabatch ko gagraduate na samantalang ako eto pa rin"
Sa huli't huli, ang dating "kakayanin ba?" ngayon "oo, kinaya" na, ang dating "aabot ba?" ngayon "oo, umabot" na, at ang dating "gagraduate ba?" ngayon "yaaay, sasablay na!"
Ikalawa, sa ating mga takot.
Ang pagkatakot, ay isang normal na pakiramdam. Sino ba sa atin ang walang kinatatakutan? Kahit yang si Atty. sigurado ako meron. Gayundin ang ating mga propesor, ang ating mga magulang, ang ating mga kaibigan - ang bawat isa ay may kani-kanyang kinatatakutan. Mayroong mga takot sa insekto o hayop - sa ipis, daga, gagamba o ahas. Meron ding sa mga payaso o maskot. Ngunit mayroong higit na malalalim tayong kinatatakutan gaya ng pagbabago, panghuhusga, o sa pagkakamali.
Pero siguro ang pinakamalalang takot, ay ang takot na sumubok - guilty ako dyan. Pakiramdam ko kalahati ng buhay ko takot ako. Natakot akong sumubok dahil takot akong magkamali. Takot akong magkamali kasi takot akong mahusgahan. Takot akong mahusgahan kasi takot akong madismaya ang mga taong umaasa sakin. Takot akong madismaya ang mga taong mahalaga sa akin kasi sobrang sakit na makitang nalulungkot at nawawalan sila ng tiwala sa akin.
Sabi nila bibong bata raw ako, kaya kung saan saan ako sinasali noon. Hala sige, sali rito, sali roon. Manalo, matalo, sige lang. Hanggang sa unti-unti kong naintindihan ang konsepto nang pagkapanalo at pagkatalo. Sa totoo lang, wala namang kaso sakin noon ang pagkatalo, pero tumatak sa akin ang mga masasakit na salitang naririnig ko noon mula sa iba. Siguro yun ang dahilan kung bakit masyado kong nilimitahan ang sarili ko. Pinagpatuloy ko nalang ang mga nakasanayan ko na at hinayaang lumipas nalang ang napakaraming oportunidad upang sumubok ng iba.
Hanggang sa pumasok ako sa Unibersidad, baon ko pa rin ang mga takot na iyon. Pero sa loob ng apat na taong pamamalagi ko sa UP, natuto akong sumubok muli, kasi dito ko naramdaman na okay lang magkamali, na "it's okay to not be able to do the right things right, the first time, everytime," di gaya ng tinuro sating management principle sa LIS 151. At kahit makailang ulit akong nabigo, maging kayo rin, sandamukal na panghuhusga man ang narinig natin sa iba, at maraming beses mang nadismaya ang mga taong umaasa satin - ang mahalaga sumubok tayo at andito na tayo ngayon.
Sa tingin ko hindi na tuluyang mawawala ang mga takot kong ito subalit sigurado akong hindi ako magagapi dahil di hamak na mas malaki ang mga pangarap ko kaysa sa mga takot ko.
Igpaw
Tunay ngang wala nang iba pang salita ang higit na makapaglalarawan sa batch na ito, na siyang napili rin naming tema - ang salitang “igpaw.” Ang igpaw ay isang salitang tagalog na nangangahulugang tumalon o lumundag, na maaring katumbas ng salitang paglampas o pag-alpas.
Sinong makakalimot sa napakahahabang pila noon sa mga GE subjects o sa pila ng jeep na ating binuno? E yung mga 7 am classes kaya, na kahit laglag pa ang ating mga mata dahil sa mga all-nighters para sa papel man, paghahanda sa pagsusulit, o sa panonood ng k-drama o series, pilit nating pinsukan; idagdag pa ang mga propesor na napakahihigpit. Nariyan rin ang mga araw nang tagtipid, pilit nating pinagkakasya ng ating mga baon kaya inaraw-araw ang Iskomai, fried noodles o canton. Ang iba naman binalanse ang pag-aaral at ang pagtatrabaho.
Nagdaan din tayo sa mga pinakamadidilim nating araw. May mga pagkakataong nawawalan tayo nang gana di lamang sa pag-aaral kundi sa buhay, tapos meron pa yung tuwing uuwi ka sa dorm o boarding house iiiyak mo nalang ang bigat ng iyong nararamdaman hanggang sa mapagod at makatulog nalang. Akala mo naubos na pero kinaumagahan paggising mo, kusa nanamang dadaloy ang mga luha.
Ang bawat isa sa amin ay may kani-kaniyang kwento nang pagkadapa, pagbangon, muling pagkadapa, muling pagbangon, minsan pang pagkadapa, minsan pang pagbangon, hanggang sa mapagod na at sumuko na lang. Tapos hanggang sa naglakas loob na sumubok muli, ngayon higit na mas matalino at mas matatag na dahil sinubok na ng panahon at hininang ng pagkakataon.
Gasgas na ‘to pero, ano naman kung paulit-ulit tayong nadapa? Ang mahalaga naman bumangon tayo at natuto mula sa mga iyon.
Natagalan man ang pamumukadkad ng mirasol para sa iba, hindi naman yun kabawasan sa pagkatao nila. Sino bang poncio pilato ang nagtatakda ng paggraduate? Wala naman, diba?
Pasasalamat
Ang lakbayin tungo sa araw na ito, tunay na hindi naging madali. Napakaraming pagsubok ang kinailangang suungin, gayundin ang di mabilang na pasakit na kinailangang damhin pero kinaya natin hindi lang sa ganang ating sarili bagkus dahil mga taong kinasangkapan upang tayo’y makabangong muli at magpatuloy sa paglaban. Meron din namang mga napadaan lang pero siyempre naging parte pa rin sila ng ating paglalakbay, at marapat lamang na sila’y ating pasalamatan.
Kay Dean Kate, saan kayo makakakita ng dekanang nakikipagbiruan at nakikihalubilo sa mga estudyante sa kanyang departamento? Dito lang yan sa'tin. Dean, maraming salamat po!
Kay Sir Bono, Sir sana nandito ka ngayon, kasi gusto kitang personal na mapasalamatan. Una, dahil ikaw ang isa mga dahilan kung bakit ako napadpad sa kursong ito. Ikalawa, dahil sa mainit mong pagtanggap sa batch namin noon at talaga namang all-out support ka kahit sa mga kabatch naming nagshift. Pero higit sa lahat, nagpapasalamat ako dahil nagtiwala ka sa akin nung ako mismo hindi ko magawang maniwala sa sarili ko.
Kay Ma'am Eimee, ang aking "thesis adviser" sa walang sawang pag-unawa at pag-intindi, sa pagbibigay ng panahon sa pagbabasa sa aking manuskrito at magbigay ng mga suhestiyon upang matapos ko ito nang mahusay. Taos puso po akong nagpapasalamat sa inyo, hindi ko matatapos ang isa sa pinakamahalagang reksisito upang makapagpatapos kung hindi dahil sa inyo.
Kay Ma'am Rhea, lagi ko pong sinasabi sa inyo noon pa man kung paano napapagaan ng simple niyong mga ngiti ang dalahin ng mga estudyanteng napanghihinaan ng loob. Salamat po sa pagbibigay liwanag sa ating kolehiyo!
Sa mga minamahal naming propesor, maraming maraming salamat. Sa loob ng 4, 5, 6 o higit pang taon na pamamalagi namin sa unibersidad, hindi niyo lang ibinahagi ang inyong mga kaalaman at hinubog ang aming mga kakayahang, higit sa lahat kayo’y naging kaibigan at tumayong pangalawa naming mga magulang sa Unibersidad.
Kay Ma'am O, lubos po kaming nagpapasalamat sa inyo. Salamat sa pag-asikaso sa mga dokumentong kailangan namin. Kahit po pagod na pagod kayo, lalo na tuwing simula ng panibagong semestre gayundin tuwing nalalapit ang araw nang pagtatapos, hindi niyo po ito pinaparamdam samin, magiliw niyo pa rin po kaming pinapakitunguhan. Nako, wala pong panama ang haba ng traffic sa EDSA, sa haba ng pasensiya niyo.
Kina Ma'am Shelly at Ma'am Rhina, nagpapasalamat din po kami sa lahat ng tulong niyo lalo na tuwing may mga kaganapan kami sa org o sa Student Council. So ayun na nga, aamin na ko HAHA. Kay Kuya Jay, salamat po talaga sa pagbubukas niyo nung rehas sa taas nung isang beses na nahuli kaming lumabas dahil may dinaanan kami sa tambayan pagkatapos ng 7 pm class namin sa 120, kung hindi po dahil sa inyo nagovernight kami nina Elaine at Nico sa
SLIS nang wala sa oras. Syempre hindi natin kakalimutan si Kuya Mac, salamat po!
Kina Ma'am Jessie, Ma'am Sol, at Sir Mike, maraming salamat po. Salamat kasi hindi po kayo napagod at nagsawang magpahiram ng mga libro at theses para matapos namin ang aming mga manuskrito.
Kina Kuya Mags at Kuya Happy
Sa lahat ng nakilala at naging mga kaibigan, para sa mga nanatili at lumisan, naging malaking bahagi kayo nang pamamalagi ko sa Unibersidad. Special mention kina Zul, Bigle, at Idelle na sinamahan ako mula simula hanggang dulo, wala kong ibang masabi kundi solid kayo. Kay Elaine, na naging sandalan ko sa tuwing halos kainin na ako ng aking mga takot at pagdududa. Mahal, nakatulong lahat ng overnights, powerhugs at qoobee stickers. Kay Aying, thank you for being such a mom, pero legit maraming salamat. At kay Arman, na nagpapashout out lang talaga, biro lang. Cachu, maraming salamat kasi kahit nang-iwan ka hindi ka tuluyang nawala. Solid kayong lahat, mahal ko kayo. Hangad ko ang inyong kaligayahan at tagumpay saan man tayo dalhin ng tadhana.
Sa UP FLIPP, na tumanggap at kumupkop sa akin, isa ka sa mga dahilan kung bakit nahihirapan akong umalis. Ikaw ang nagsilbing sandalan ko sa tuwing lugmok na ko sa acads, mamimiss ko nang husto ang mga tawanan, asaran, kainan, at ang pinakapaborito ko sa lahat - ang paglalaro ng cards sa tambayan. Ikaw rin ang unang nagtiwala sa aking mga kakayahan sa loob ng Unibersidad. Salamat sa lahat ng oportunidad na ipinagkaloob mo sa akin na siyang naging daan upang mas makilala ko ang aking sarili at lumago ako bilang isang indibidwal. Naging mas makulay at makabuluhan ang buhay ko sa UP dahil sayo, maraming salamat.
Sa aking mga tito, tita, pinsan, lolo, lola, salamat sa walang sawang pagsuporta at sa walang maliw na pag-ibig. Kung hindi rin dahil sa inyong kabutihan wala ako rito ngayon. I will always be your tabatina.
Sa no. 1 fan ko, sina Mama at Papa, wala po ako sa kinatatayuan ko ngayon kung hindi dahil sa inyo. Ma, Pa alam kong kailanman hindi sasapat kahit ang paulit-ulit na pasasalamat sa lahat ng sakripisyo niyo para sa akin. Sa totoo lang, baliktad ata kasi ako talaga yung no. 1 fan niyo. Ma, sobrang hanga ako sa determinasyon, diskarte at katatagan mo; biruin mo nasubukan mong magbenta ng balot, gulay, ulam, merienda at marami pang iba maitaguyod lang ang pag-aaral ko. Pa, saludo ako sayo, alam kong hindi madaling mamasada ng sidecar at ng trycicle pero hindi ka tumigil mapagtapos lang ako. Ma, Pa, kinaya ko dahil kinaya niyo. Salamat sa pagbibigay inspirasyon, sa pag-aaruga, at sa pagmamahal. Gayundin kina Mang at Pang, ate at ading, bihira man tayong magkita, hindi kayo kailanman nagkulang na iparamdam sa akin ang inyong pagmamahal at suporta. Mahal na mahal ko kayong lahat!
Sa UP, grabe ka, pero mahal kita. Gaya nga nang sabi sa kanta, “if it wasn’t for you I will never be who I am.”
Sa sarili ko, kayo rin, magpasalamat kayo sa mga sarili niyo, maging proud kayo. Dahil kung may isang katotohanan na hindi mapapasubalian kailanman, kahit anong motibasyon ang ibigay sa atin ng iba, nasa sa atin pa rin ang desisyon na magpatuloy. Kaya pasalamatan natin ang mga sarili natin kasi kahit nadurog tayo pinili nating magpatuloy, pinili nating lumaban.
At syempre, higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Poong Maykapal, ang lahat ng ito'y dahil sa kabutihan Niya at marapat lamang na ialay ko ang tagumpay na ito sa Kanya.
Bilang pangwakas…
Nais
Ang takot lagi yang nariyan,
Parang anino lagi kang susundan,
Ang pagdududa, gayundin naman
Kahit sa pagtulog, di ka tatantanan
Nguni’t kahit ano pang hamon ang dumaan
Arin itong paulit-ulit na igpawan
Di lang upang pangarap ay makamtan
Kundi upang tao at baya’y mapaglingkuran
Muli isang magandang hapon po sa inyong lahat!